MANILA, Philippines - Matapos gitlain ang Barangay Ginebra, target naman ng Meralco ang kanilang ikatlong sunod na panalo, habang kapwa hangad ng Rain or Shine at San Mig Coffee ang kanilang ikalawang dikit na ratsada.
Sasagupain ng Bolts ang Globalport Batang Pier ngayong alas-5:45 ng hapon kasunod ang banggaan ng Elasto Painters at Mixers sa alas-8 ng gabi sa 2013-2014 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nanggaling ang Meralco sa 112-79 paggupo sa Air21 noong Nobyembre 27 at sa 100-87 panalo sa Ginebra noong Disyembre 3.
“I hope we play like this. At this point we’re still finding our character,†ani head coach Ryan Gregorio sa kanyang Bolts na muling aasa kina Gary David, Jared Dil-linger, Mike Cortez, John Wilson at Rabeh Al-Hussaini.
Maglalaro ang Bolts na wala ang mga may injury na sina Kerby Raymundo (knee), Cliff Hodge (sprained right ankle) at Reynel Hugnatan (sprained left ankle).
Pilit namang babangon ang Globalport mula sa two-game losing skid sa pagharap sa Meralco.
Sa ikalawang laro, parehong asam ng Rain or Shine at San Mig Coffee ang kanilang pangalawang sunod na panalo matapos talunin ang Air21, 92-83 at ang Barako Bull, 91-83, ayon sa pagkakasunod.
Posible pa ring hindi maglaro para sa Mixers si two-time PBA Most Valuable Player James Yap dahil sa iniinda nitong sprained right elbow.
“He injured his elbow. He didn’t have his follow through,†wika ni mentor Tim Cone kay Yap na hindi naglaro sa kanilang panalo laban sa Express noong Dis-yembre 1.
Muling aasahan ng San Mig Coffee sina PJ Simon, Marc Pingris, Mark Barroca, Alex Mallari at Rafi Reavis katapat sina Paul Lee, Jeff Chan, Gabe Norwood, Beau Belga, JR Quiñahan at rookies Raymond Almazan at Jeric Teng ng Rain or Shine.
Ang Elasto Painters ang unang koponang tumapos sa two-game winning run ng Energy.