MANILA, Philippines - Winalis ng PLDT-MyDSL ang classification round sa Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix sa pamamagitan ng 25-16, 25-17, 22-25, 26-24, panalo laban sa Cagayan Valley kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sina Savannah Noyes at Sue Roces ang nagtambal sa unang dalawang sets para bigyan ng kumportableng 2-0 kalamangan ang Speed Boosters tungo sa 5-0 baraha.
Pasok na ang koponan sa semifinals kasama ang TMS-Army pero ninais ni coach Roger Gorayeb na manalo para magkaroon ng winning momentum papasok sa susunod na yugto ng kompetisyon sa ligang inor-ganisa ng Sports Core at may basbas ng International Volleyball Federation.
“Morale booster ito sa amin at kahit sino pa ang makalaban namin sa semis, nakatanim sa isipan ng mga players na kaya naming manalo,†ani Gorayeb.
Si Noyes ay may 23 puntos at 20 rito ay sa mga kills habang si Roces ay naghatid pa ng 15 puntos.
Ito ang ikalawang pagkatalo ng Lady Rising Suns laban sa 3- panalo at haharapin nila sa quarterfinals ang baguhang RC Cola.
Sinayang ng Raiders ang 2-0 kalamangan nang bumigay sa huling tatlong sets at lasapin ang 20-25, 19-25, 25-21, 25-12, 15-5, pagkatalo sa Petron.
Ang Petron ang kumuha ng ikalimang puwesto sa 1-4 baraha at makakalaro ang Cignal habang ang Raiders ang nangulelat sa 0-5 baraha at makakasukatan ang Cagayan.
Ang quarterfinals na knockout game ay gagawin sa Miyerkules at ang mga mananalo rito ang kalaro ng PLDT-MyDSL at TMS-Army sa semifinals sa Sabado.