P182.3M budget ng PSC para sa 2014 inaprubahan sa Senado

MANILA, Philippines - Inaprubahan ng Senado ang panukalang pondo ng Philippine SportsCommission na P182.3 milyon para sa 2014 na tumiyak sa pagsasanay ng mga National athletes sa mga lalahukang international competitions, kasama dito ang Asian Games.

Nauna nang nalagay sa balag ng alanganin ang parte ng PSC sa panukalang P2.264-trillion general appropriation sa nakaraang Senate hearing matapos magbabala si Sen. Pia Cayetano na isusulong niya ang ‘zero allotment’ o malaking bawas sa pondo ng sports agency.

 Kinondena ni Caye-tano ang PSC dahil sa “inability to uphold the interest of Phl sports” nang hindi isama ang mga karapat-dapat na kasama sa delegasyon na si swimmer Denjylie Cordero pati na ang dragon boat team para sa Southeast Asian Games delegation.

“I was happy to hear that it was approved. At least now, our grassroots programs will continue and employees felt relieved because there was a point in time we might have a zero budget. Pero hindi naman nangyari ‘yun at pasalamat kami sa mga Senador na nag-approve ng budget,” wika ni PSC chairman Richie Garcia.

Ginagamit ng PSC ang bahagi ng general appropriations para sa grassroots programs kagaya ng Phl National Games at Batang Pinoy bukod pa sa kanilang araw-araw na operasyon.

Kasama din sa 2014 budget ang P30 milyon para sa kampanya ng Phi-lippine team sa 2014 Asian Games sa Incheon, Korea.

Ang P30-million allotment ay maaaring hindi pa sapat sa actual trip ng mga Pinoy bets kaya sinabi ni Garcia na ang karagdang pondo ay kanilang kukunin mula sa National Sports Development Fund (NSDF).

Para sa 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar, ang PSC ay gagastos ng P45 milyon para sa 210 athletes, 81 coaches at officials, 17 headquarters officials at 15 medical personnel.

Pondong P30 milyon buhat sa 2013 GAA ay itinabi para sa SEAG.

“It is for this reason that this year, we were emphatic on the selection process. We only send qualified athletes who have a chance of winning because our budget was only P30 million and even with this lean de-legation, we expect about P45 million, so abono kami ng P15-million,” wika ni Garcia.

Idinagdag pa ng PSC chair na ito ay mas mura sa P85 milyon na ginastos ng ahensya noong 2011 SEA Games.

Show comments