2 Pinoy umiskor pareho ng TKO

MANILA, Philippines - Bagama’t nabigo si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao na mapabagsak si Brandon ‘Bam Bam’ Rios, umiskor naman ng Technical Knockout (TKO) ang da-lawa pang Filipino boxers na nasa undercard ng kanilang laban kahapon sa The Venetian sa Macau, China.

Pinatumba ni super featherweight Harmonito Dela Torre si Jason Butar-Butar ng Indonesian sa third round ng kanilang four-round, non-title bout.

Naging abala ang tubong General Santos City na si Dela Torre sa bodega ni Butar-Butar hanggang makakonekta sa ulo ng Indonesian boxer na nagresulta sa pagbagsak nito.

Napanatili ng 19-an-yos na si Dela Torre ang kanyang malinis na win-loss record sa 11-0 kasama ang 6 knockouts.

Pinasuko naman ni super welterweight Dan Nazareno Jr. si Liam Vaughan ng England sa second round ng kanilang non-title fight.

Sina Nazareno at Vaughan ay parehong sparmates ni Pacquiao sa kanyang Pacman Wild Card Gym sa General Santos City.

Nirapido ni Nazareno (18-10-0, 14 KOs) si Vaughan (8-2-0, 2 KOs) sa second round kasunod ang paghagis ng puting tuwalya ni Filipino trainer Marvin Somodio para ihinto ang laban.

Samantala, pinasalamatan ni two-time Olympic Games gold medalist Zou Shiming (3-0) ng China si Pacquiao matapos ang kanyang unanimous decision win laban kay Mexican Juan Toscano sa isa pang non-title fight.

Nagsanay ang 34-an-yos na Chinese fighter ng halos anim na linggo sa training camp nina Pacquiao at trainer Freddie Roach sa General Santos City.

 

Show comments