Parang bagyo si Manny ginulpi si Rios

MACAU -- Nagtala ang eight-time world champion na si Manny Pacquiao ng malaking come-back sa mundo ng professional boxing nang magtala ito ng unanimous decision win laban kay Brandon Rios sa harap ng 13,101 fans sa Cotai Arena dito.

Naging matagumpay ang pagbabalik ni Pacquiao bagama’t hindi ganoon kakumbinsido ay nagawa niyang burahin ang alaala ng kanyang dalawang sunod na pagkatalo noong nakaraang taon.

Tila naging bagyo ang pag-atake ni Pacquiao kay Rios na ginamitan niya ng bilis at sunud-sunod na kombinasyon.

“I kept my promise we will rise again. In purity there’s victory,” sabi ni Pacquiao.

“I was beaten by one of the best fighters in the world and his speed and awkwardness made the difference,” sabi naman ni Rios.

Iniskoran ni judge Michael Pernick ang laban sa 120-108, 119-109 naman kay Lisa Giampa at 118-110 kay Manfred Kochler na lahat ay pabor kay Pacquiao. Iniskoran ng Philippine STAR ang laban sa 120-118 para kay Pacquiao.

Sa loob ng 12 rounds, ipinamalas ni Pacquiao ang kanyang pamatay na porma kung saan marami siyang pinakawalang pamatay na mga kombinasyon na nagpahilo sa  kalabang Mexican-American.

“He did exactly what we had planned to do. He did not knock him out but that’s okay,”wika ng trainer ni Pacquiao na si  Freddie roach.

Bagama’t hindi nangyari ang knockout, malugod na tinanggap ng mga Pinoy ang tagumpay ni Pacquiao.  Tuwang-tuwa ang milyung-milyong Pinoy lalo na ang mga nakapanood ng laban ni Pacquiao sa Tacloban.

Muling naibalik ni Pacquiao ang tiwala ng mga Pinoy sa kanilang kinikilalang bayani sa paghiyaw ng mga tao sa venue ng  “Manny, Manny, Manny!” gayundin ng milyong Pinoy na nanood at nakinig sa radyo ng kanyang laban.

Ngunit higit pa rito ang nagawa ni Pacquiao sa kanyang malaking tagumpay.  Binigyan niya ng pag-asa ang lahat ng mga Pinoy lalo na ang mga nawalan ng minamahal, tirahan at kabuhayan.

Show comments