MANILA, Philippines - Sisigla pa ang karera ngayong gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite dahil sa dami ng mga kabayong magsisitakbo.
Ito na ang ikatlong pagkakataon sa linggong ito na gagawin ang tagisan sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. at may mga natuwang horse owners dahil umabot sa 76 kabayo ang nagpatala para makabuo ng siyam na karera.
Isa sa mga panonoorin ay ang race two na isang 2YO Maiden Division race sa 1,400-metro distansya.
Nakataya ang premyong P10,000.00 para sa mananalong kabayo lamang at ang mga nagpatala ay ang Spectacular Tiks (JB Hernandez), Althusa (CS Pare), Surplus King (MA Alvarez), Hello Patrick (JB Guce) at coupled entry Sweet Daddy’s Girl (PR Dilema), Dinagyang (AI Reyes) at stablemate Moriones (FM Raquel Jr), Hidden Moment (RC Tabor) at Alimentador (CV Garganta).
Ang Moriones at Masskara ay tumakbo noong Noyembre 16 at tumapos ang huli sa ikatlong puwesto sa karerang pinagwagian ng Splash of Class.
Inaasahang mas makokondisyon ang tambalan sa laban ngunit magpapasikat ang Spectacular Tiks.
Kasama rin ang nasabing kabayo na kumarera noong Nobyembre 16 pero hindi ito tumimbang sa pagdadala ni Mark Alvarez.
Lalabas na tatlong kabayo ang pagsisikapang ipanalo ni Hernandez sa gabing ito.
Ang Sun Tan Tony na kakarera sa race one na isang Handicap Race 9 at Apple Green na kakarera sa class division 1C ang iba pang kabayo na kung manalo ay magtutulak kay Hernandez na maging pinakamahusay na hinete sa gabi.
May isa pang 2YO special Handicap Race at 3YO Handicap Race ang iba pang karera na tututukan sa gabi.