Julaton dinomina si Hernandez

MANILA, Philippines - Bumangon si Fil-American boxer Ana ‘The Hurricane’ Julaton mula sa kabiguan noong Agosto matapos dominahin si Mexican boxer Perla Hernandez kahapon sa Yucatan, Mexico.

Bagama’t nagkaroon ng putok sa kanyang kanang kilay ay tinalo pa rin ni Julaton si Hernandez via majority decision.

Nakakuha si Julaton (13-4-1, 2 KOs) ng mga iskor na 97-93, 98-94 at 95-95 para biguin si Hernandez (10-7-3, 2 KOs).

Bago talunin si Hernandez ay nagmula muna si Julaton sa kabiguan kay Celina Salazar noong Agosto sa Mexico.

Ang sugat ni Julaton sa kanyang kanang kilay ay nanggaling sa isang accidental headbutt sa kanya ni Hernandez sa sixth round.

Sa kabila ng pag-agos ng dugo sa kanyang kanang kilay ay nanatiling agresibo si Julaton laban kay Hernandez hanggang sa tenth round.

Asam ni Julaton na muling makuha ang dati niyang hawak na World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title na inagaw sa kanya ni Yesica Marcos sa Argentina noong Marso 2012.

Show comments