Bagong team, foreign players sa PSL Grand Prix

MANILA, Philippines - Para sa ikalawang season ng volleyball club league na Philippine SuperLiga ay itatampok ang bagong miyembrong Air Asia-Zest, habang magbabalik naman ang limang koponan, kasama ang PSL Invitationals champion TMS-Army, sa PSL Grand Prix 2013 sa Nobyembre 10 sa The Arena sa San Juan.

Bukod sa TMS-Army at Air Asia-Zest, maghahangad din sa korona ng event na magtatapos sa Disyembre 15 ang PLDT, Cignal, Petron at Cagayan Valley.

Hindi naman magsasali ng koponan ang Bingo Mil-yonaryo, naging bahagi ng unang season ng PSL.

Ang Grand Prix na may temang ‘Elevating the Game’ ay magtatampok sa mga A-list international players.

Ang nasabing mga international players ay nakapaglaro na sa mga FIVB (International Volleyball Federation) tournaments.

Ang mga players mula sa United States, China, Japan at Thailand ang magpapalakas sa anim na koponan, ngunit sinabi ng nag-oorganisang SportsCore at PSL President Ramon ‘Tats’ Suzara na nakikipag-usap pa sila sa ilan pang international players.

Ang mga koponan ay binubuo ng mga players na nakatapos na ng kanilang mga collegiate years.

Ang mga atleta namang naglaro sa National team at mga gustong ma-ging miyembro ng national pool ay pinipili ng mga coaches.

Itatampok din sa Grand Prix ang isang parehong tournament para sa mga lalaking players.

“The PSL is elevating the game to a higher level with the Grand Prix,” sabi ni Suzara. “We have gauged the strength of the teams during the Invitational tournament and the teams have initiated high-level recruitment to fortify their rosters. We will not be surprised if we see star players jumping fences before the start of the Grand Prix.”

Show comments