Lumabas ang galing ng Lucky Touch

MANILA, Philippines - Nakatikim din ng stakes win ang Lucky Touch nang dominahin ang PCSO Stakes Race noong Linggo sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.

Lumabas ang itinatagong galing ng kabayong sakay ni Fernando Raquel Jr. para sa horse owner na si Lamberto Almeda Jr. nang dominahin ang 1,400-meter race mula sa pagbukas ng aparato hanggang sa tawirin ang meta.

Ang panalo ay nagsantabi sa pangalawang puwes-tong pagtatapos ng kabayo noong Oktubre 14 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Ang Ma’am Mika ni JAA Guce ang nagsikap na sabayan sa alisan ang Lucky Touch ngunit nawala ito pagsapit ng kalagitnaan ng karera.

Pumalit ang Endorser habang humabol din ang John’s Memory na nagpainit sa karerang itinaguyod ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Sa rekta ay halos isang dipa na lamang ang agwat ng Lucky Touch sa dalawang kabayong naghahabol pero napalabas uli ni Raquel ang bangis ng sakay na kabayo upang manalo ng dalawang dipa sa John’s Memory na dala ni Jonathan Hernandez.

Ang Endorser na dala ni LT Cuadra ang puma-ngatlo habang ang King Patrick ni JA Guce ang kumumpleto sa datingan.

Gantimpalang P180,000.00 ang napanalunan ng Luc-ky Touch sa P300,000.00 kabuuang prem-yo habang ang pumangalawa hanggang pumang-apat ay nagbitbit ng P67,500.00, P37,500.00 at P15,000.00 premyo.

Nagdaos pa ang PCSO ng isang Trophy Race na sinahugan ng P200,000.00 premyo at ang nangibabaw dito ay ang dehadong Trip To Heaven ni RO Niu.

Humabol ang nasabing kabayo mula sa pangatlong puwesto matapos ang maagang paglayo ng Kogarah Lass at Sweet Victory.

Sa huling kurbada ay kinuha na ng Trip To Heaven ang kalamangan matapos ipuwesto ang kabayo sa balya ni Niu bago pinakawalan na sa huling 150-metro tungo sa halos tatlong dipang panalo sa Sweet Victory na dala ni Val Dilema. (AT)

 

Show comments