MANILA, Philippines - Hindi naubos sa kakahabol ang Miss Manuguit habang nasa kondisyon ang Mr. Bond upang dominahin ng mga nabanggit na kabayo ang Klub Don Juan Juvenile Fillies at Colts race sa 12th Klub Don Juan De Manila Derby kahapon sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si JA Guce ang sakay ng Miss Manuguit na tumakbo kasama ang coupled entry na Dear Ashley at hindi nilubayan ng una ang naunang umalagwa na Tellmamailbelate na ginabayan ni Rodeo Fernandez.
Sa huling kurbada inabutan ng lahok ng Jade Bros. Farm ang kabayo ni Juan Molina at dito ay humarurot pa sa meta para makapagtala ng halos limang dipang pagitan sa 1,400-meter karera.
Naibulsa ng Miss Manuguit ang P300,000.00 unang gantimpala mula sa P500,000.00 premyo na handog ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Ang mas napaborang Kukurukuku Paloma na dala ni JB Guce ay naubos at hindi tumimbang sa karera.
Pangalawa ang Tellmamailbelate bago sumunod ang Roman Charm ni Jonathan Hernandez bago sumunod ang Move On ni Fernando Raquel Jr.
Kinuha naman ng Mr. Bond ang ikalawang stakes win nang pangunahan ang colts race sa isa ring 1,400-metro karera.
Si Jeff Zarate pa rin ang hinete ng kabayong pag-aari ni Hermie Esguerra na kumawala sa kalagitnaan ng karera tungo sa hugandong panalo.
Bago ang karerang ito ay nagpa-kitang-gilas mula ang Mr. Bond sa 4th leg ng Philracom Juvenile Colts noong nakaraang linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang High Grader na hawak ni Antonio Alcasid Jr. ang pumangalawa bago sumunod ang River Mist ni Hernandez saka pumasok ang Young Turk. Kulelat sa limang tumakbo ang Proud Papa ni John Cordero.
Halagang P300,000.00 din ang gantipalang napanalunan ng Mr. Bond na siyang pinakaliyamadong nanalo matapos ang unang anim na karerang pinag-labanan.
Halagang P8.00 ang ibinigay sa win ng Mr. Bond habang P25.00 ang forecast na 5-4 habang P13.50 ang ipinasok ng win ng Miss Manuguit at P116.00 ang dibidendo sa 3-1 forecast.