MANILA, Philippines - Pormal nang inangkin ni Grandmaster Wesley So ang korona matapos makipag-draw kay top seed English GM Michael Adams sa 21 moves sa 17th Unive Tournament sa Hoogeveen, Netherlands.
Nakakuha ng kalamangan ang 20-anyos na si So sa kanilang Nimzo-Indian encounter ni Adams, ang may pinakamataas na FIDE rating sa 2753 kumpara sa 2706 ni So.
Ngunit naipuwersa ni Adams sa draw si So matapos ang paulit-ulit na moves.
Tumapos si So, ang ranked 40th player sa mundo, na may 4.5 points o lamang ng 1.5 points kina Adams at Dutch GM Robin Van Kampen para sa kanyang ikalawang sunod na tagumpay.
Una nang kinuha ni So ang gold medal sa nakaraang Universiafe sa Kazan Russia.
Si So ay inaasahang tatanggap ng karagdagang rating points dahil sa kanyang tagumpay.
Ngunit plano ng World Junior champion na huwag maglaro sa darating na Southeast Asian Games sa Myanmar sa Disyembre dahil sa kanyang sigalot sa National Chess Federation of the Philippines at sa Philippine Olympic Committee.