Big Boy Vito umarangkada sa rematehan

MANILA, Philippines - Hindi tumupi ang Big Boy Vito sa rematehan nila ng kabayong Real Steel para mapagharian ang Jade Bros. Farm Trophy  Race sa panimulang selebrasyon ng 12th Klub Don Juan De Manila Derby noong Huwebes ng gabi sa Metro Turf Club sa Carmona, Cavite.

Si Rodeo Fernandez ang siyang sumakay sa nanalong kabayo na kinailangang umahon mula sa ikalimang puwesto sa alisan sa 1,400-metro karera upang kunin ang P30,000.00 added prize sa karera.

Lahat ng 8-karerang pinaglabanan ay may dagdag na premyo upang pa­tingkarin ang selebrasyon.

Naunang lumayo ang Real Steel sa pagdadala ni Val Dilema habang nakabuntot agad ang Sparkling Rule, Special Song at Pinas Paraiso.

Pero napagod ang hu-ling tatlong kabayo habang nag-init ang Big Boy Vito upang siyang nakalaban ng Real Steel.

Nagpasok pa ng P29.00 ang win ng  Big Boy Vito habang P173.00 ang inabot ng 2-6 forecast.

Nagpasikat naman bilang paboritong kabayo ay ang May Bukas Pa sa race five na sinuportahan ng Mustang Security Group.

Naisantabi rin ng May Bukas Pa na hawak ni Pat Dilema ang mahinang pag-alis at nilampasan sa huling 20-metro ng 1,200-metro karera ang umaarangkadang My Big Osh sa pagdadala ni JB Guce.

Napangatawanan ng nanalong tambalan ang pagtitiwala ng bayang-karerista para makapaghatid ng P8.50 habang ang 1-4 forecast ay nagpasok ng P27.00 dibidendo.

Ang main event ay gagawin sa Linggo sa nasabing race track na katatampukan ng apat na malalaking karera na sinahugan ng kabuuang P3 milyong premyo.

Tampok na karera ay ang Don Juan Derby sa 2,000-metro distansya at nilagyan ng P1.5 mil-yong gantimpala at ang mananalo ay mayroong P900,000.00 premyo.

Show comments