MANILA, Philippines - Selyuhan ang unang puwesto sa elimination round ang nakataya sa San Beda sa pagharap sa Arellano sa pagtatapos ngayon ng 89th NCAA men’s basketball elimination round sa The Arena sa San Juan City.
Tampok na laro dakong alas-6 ng gabi magsisimula ang bakbakan at ika-15 panalo matapos ang 18 laro ang makukuha ng Lions kung mapapadapa ang Chiefs.
Pero kung masilat ang three-time defending champions, magkakatabla ang Lions at pahingang Letran sa 14-4 baraha at mangangailangan ng playoff para madetermina ang pinal na rankings ng dalawang koponan.
May playoff nang magaganap sa Oktubre 29 sa pagitan ng San Sebastian at Perpetual Help para sa number three seeding matapos magtabla ang dalawang koponan sa 11-7 karta.
Ang nakuhang 69-62 panalo sa St. Benilde noong Huwebes ang tumapos sa paghahabol ng Emilio Aguinaldo College para sa number four slot.
Katipan ng Generals ngayon ang Mapua sa ganap na ika-4 ng hapon pero wala nang saysay ang panalong maililista dahil hanggang 10 panalo na lamang ang puwedeng abutin ng bataan ni coach Gerry Esplana. Ang Baste ay mayroon nang 11 panalo sa 18 laro.
Tiyak na totodo pa rin ang tropa ni coach Boyet Fernandez para makaiwas sa playoff at madagdagan ang pahinga bilang paghahanda sa Final Four na bubuksan sa Nobyembre 7.
Ang Lions at Knights ay parehong may bitbit nang twice-to-beat advantage sa semifinals.
Nakatutok din ang mga mata sa San Beda Red Cubs na katunggali ang Braves sa ganap na ika-2 ng hapon sa juniors division.
Isa pang panalo ang kukumpleto sa 18-0 sweep ng Cubs para dumiretso na sa finals.