Nasiyahan si Arum sa training ni Pacquiao

MANILA, Philippines - Nagustuhan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang kanyang naobserbahan sa training camp nina Manny Pacquiao at chief trainer Freddie Roach.

Kasama si Venetian Macao Chief Executive Officer (CEO) Ed Tracy at iba pang media mula sa China, Hong Kong at Macau, pinanood ni Arum ang pagsasanay ni Pacquiao sa kanyang Wildcard Boxing Gym sa General Santos City.

Ipinakita ng Filipino world eight-division kina Arum at Tracy at sa media ang kanyang bilis at lakas sa pagsuntok sa punchmitt na hawak ni Roach.

Pinaghahandaan ni Pacquiao ang kanyang pagbabalik sa boxing ring sa pagsagupa kay Brandon ‘Bam Bam’ Rios sa Nobyembre 24 sa The Venetian sa Macau, China.

Ito ang unang laban ng 34-anyos na Sarangani Congressman matapos matalo kina Timothy Bradley, Jr. (split decision) at Juan Manuel Marquez (sixth-round KO) noong Hulyo 9 at Disyembre 8, 2012, ayon sa pagkakasunod.

Simula sa araw na ito ay pagbabawalan na ni Roach ang mga media at fans na pumasok sa boxing gym.

Ito ay para matutukan ni Pacquiao ang kanyang pag-eensayo kasama ang mga sparmates na sina British light middleweight Liam Vaughn, welterweight Frederick Lawson ng Ghana at Filipino welterweight Dan Nazareno.

Sa Nobyembre 18 ay nakatakdang magtungo sina Pacquiao at Roach sa Macau.

Show comments