Boncales umiskor ng panalo sa World Elite

ALMATY, Kazakhstan -- Sinimulan ni flyweight Roldan Boncales ang kampanya ng PLDT-ABAP Team sa pamamagitan ng panalo.

Ginulat ni Boncales, pumalit sa may injury na si Asian Games gold medalist Rey Saludar, si Beijing Olympian Eddie Barillas ng Guatemala sa pagsisimula ng AIBA World Elite Men’s Championships dito sa Baluan Sholak Palace of Sports.

Ang kanyang bilis at lakas ang ginamit ng 20-an­yos na si Boncales ng General Santos City para sorpresahin ang 30-anyos na si Barillas.

“Medyo magulang siya at malakas manuntok pero ginawa ko lang ang laro ko,” wika ng miyembro ng PLDT-ABAP team na tumanggap ng 30-27, 30-17, 29-28 iskor sa tatlong judges mula sa Ukraine, Hungary at Finland.

Ito ang unang international tournament na sinali­han ni Boncales ngayong taon matapos manalo ng gold medal sa Kuala Lumpur City Day Cup kung saan si­ya kinilalang ‘Boxer with Most Potential’.

Si North Korea bet Ri Chung Il ang susunod na ma­kakalaban ni Boncales.

Show comments