MANILA, Philippines - Kinuha ng Brazilian Babe ang unang panalo sa taon na nangyari noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sa huling race 12 tumakbo ang siyam na taong colt sa siyam na kabayong karera na class division 1C sa 1,500-metro distansya.
Number 9 ang bitbit ng Brazilian Babe na hawak pa ni ace jockey Jessie Guce at kahit nasa dulo ng aparato ay agad na kinuha ng tambalan ang unang puwesto sa pagdaan sa judges stand.
Mula rito ay hindi na nawala sa pangunguna ang kabayong anak ng Bull Market at Ipanema at siyang patok sa labanan tungo sa banderang-tapos na panalo.
May apat na dipa ang layo ng nagwaging kabayo sa nagrerematehang Mr. Gee at ang second choice na Lucky Lohrke. Nauna pa ng kalahating agwat ang dehado pang Mr. Gee na dala ng apprentice jockey na si MS Lambojo.
Ang panalo ay pambawi ng Brazilian Babe sa pagkatalo sa Sailing Away noong Setyembre 29 sa bakuran din ng Manila Jockey Club Inc.
May P7.50 ang ibinigay sa win habang ang nadehado pang 9-8 forecast ay nagpamahagi ng P114.00 dibidendo.
Nakapagpasikat din ang La Furia Roja habang ang Proud Papa ang lumabas bilang pinakadehadong nanalo sa gabi na nakitaan din ng pamamayagpag ni Jonathan Hernandez.
Si Hernandez ang hinete ng La Furia Roja na nasundan ang panalong naitala noong Setyembre 29 matapos manaig sa labang hatid ng Botbo ni Fernando Raquel Jr. sa 1,300-metro Special Handicap Race.
Si John Cordero ang hinete ng dala-wang taong kabayo na Proud Papa na tinalo ang Princess Jo ni Borbe sa 1,300-meter 2YO Special Handicap Race.
Nasa P32.00 ang ibinigay sa win habang ang pagsegundo ng dehado ring Princess Jo ay may P475.50 dibidendo sa 5-4 forecast.