MANILA, Philippines - Wala nang dahilan pa para matalo ang Pilipinas sa basketball sa South East Asian Games sa Myanmar sa Disyembre.
Lalo na kung isasama sa bubuuing 12-man team si 6’11†naturalized center Marcus Douthit na kabilang sa Gilas team na pumangalawa sa FIBA Asia Men’s Championship noong Agosto para makapasok ang bansa sa FIBA World Cup sa 2014.
Nasa bansa na si Douthit noong 2011 pero hindi siya kinuha ng da-ting National coach Norman Black para sa SEA Games sa Palembang, Indonesia.
Sa halip ay mga Fil-Ams tulad nina Chris Hodge, Chris Ellis, Bobby Parks Jr. at Greg Slaughter ang isinahog ni Black sa mga locals tulad nina Chris Tiu, RR Garcia at Eman Monfort at ang koponan ay hindi natalo tungo sa kampeonato.
“Si Douthit ay kasama sa Gilas team at siya ay tumatanggap ng buwanang sahod sa SBP kaya dapat lamang na isama siya sa mga pagpipilian,†paliwanag ni Sonny Barrios, ang SBP executive director na dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Limang kasapi ng 2011 champion team ang kasama sa talaan at ito’y sina Parks, Garcia, Kiefer Ravena, Jake Pascual at Garvo Lanete habang ang mga datihan na sa Cadets pool na sina Matt Ganuelas, Kevin Alas at Chris Newsome ay pagpipilian din.
Ang mga bagong mukha ay pamumunuan ni ASEAN Basketball League (ABL) MVP Chris Banchero, UAAP MVP Terrence Romeo, Kevin Ferrer ng UST, Roi Sumang ng UE, Jericho Cruz ng Adamson, Prince Caperal ng Arellano, Kyle Pascual ng San Beda, Arnold Van Opstal ng La Salle at Raymond Almazan ng Letran.
Sa talaang ito ay may mga manlalarong nagbabalak na sumali sa PBA Draft sa Nobyembre at sinasabing kasama rito sina Banchero, Almazan at Parks.
“Kung may mga mada-draft, pakikiusapan namin ang mga kukuhang PBA teams na ipahiram muna sa National team ang mga players na ito hanggang matapos ang SEA Games,†dagdag ni Barrios.
Magpupulong uli ang coaching staff na bubuuin din nina Nash Racela at Josh Reyes bilang mga assistant coaches at SBP para ipormalisa ang mga pangalan na ibibigay sa POC-PSC Task Force para isumite sa Myanmar Organizing Committee.
Ang deadline ng Task Force para sa entry by names sa mga NSAs na kasali ay sa Oktubre 9 pero ang basketball ay pahihintulutan na magpatala ng 15 hanggang 18 manlalaro dahil ang final line-up ay hihingiin lamang sa araw na isasagawa ang manager’s meeting.