MANILA, Philippines - Panauhin ang bagong world slam dunk champion na si Kobe Paras kasama si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Sonny Barrios sa sesyon ngayon ng lingguhang PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Ito ang unang public appearance ni Paras, anak ng dating PBA 1989 MVP at Rookie of the Year na si Benjie Paras, matapos manalo sa side event ng U-18 Fiba-World 3x3 Championships para isalaysay ang kanyang karanasan sa torneo na ginanap sa Jakarta.
Tinabunan ni Paras ang nakakadismayang pagka-talo ng Phl Team sa 3-on-3 nang kanyang pahangain ang crowd at mga judges sa paglundag kay Thirdy Ravena habang nakasakay sa motor para sa isang eksplosibong dunk.
Tinalo ni Paras ang high-leaping na si Demonte Flannigan ng US, mas mataas na si Antonio Morales ng Spain at Sun Ming Hui ng China.
Inaasahang tatalakayin ni Barrios ang mga bagay ukol sa major basketball -tulad ng partisipasyon ng bansa sa Southeast Asian Games, ang pag-angat ng Pinas sa pinakahuling Fiba rankings at iba pa.
Panauhin din sa forum na maririnig ng live sa DZSR Sports Radio 918 at handog ng Shakey’s at Philippine Amusements and Gaming Corporation sina undefeated boxers Genesis Servania at King Arthur Villanueva kasama ang mga officials at coaches ng National Collegiate Basketball League.
Sina Servania at Villa-nueva ay magsasalita ukol sa Pinoy Pride, habang sina NCBL director of athletes Toti Andes at mga coaches ng TIP, Trinity at PUP ang magbabalita ng nalalapit na finals ng liga at All-Star festivities.