Laguna nagdomina sa 3Yo Handicap race

MANILA, Philippines - Kinuha ng kabayong Laguna ang ikalawang panalo sa taon nang magdomina sa 3YO Handicap race noong Huwebes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Kinailangang palabasin ni Fernando Raquel Jr. ang angking bangis ng sakay na kabayo  para makabangon mula sa mahinang pag-alis sa aparato at manalo sa karerang pinaglabanan sa 1,300-metro distansya.

Ang Airbender na hawak ni Mark Alvarez ang siyang umalagwa at halos abot kamay na ang panalo pero naglakad ito sa huling 25-metro ng karera para mametahan ng Laguna.

Humabol mula sa halos limang dipa ang Laguna na siyang paboritong kabayo sa pitong lumahok kahit nagbakasyon ito ng halos pitong buwan.

Huling takbo ng Laguna ay nangyari noong Pebrero 14 at nanalo ito sa isang Handicap race sa nasabing race track na pinaglabanan sa 1,300-metro distansya.

Nagpasok pa ang win ng Laguna ng P7.00 habang ang 5-3 forecast ay may P18.00 dibidendo.

Si Raquel ang hineteng nagpasikat sa gabing ito dahil naipanalo niya muna ang My Champ na outstanding din sa race one na isang 3YO Handicap race at pinaglabanan sa 1,400-metro distansya.

Kampeon ng ikatlo at huling Philracom Hopeful Stakes race, hindi nawala ang magandang porma ng kabayo nang isantabi ang hamon ng Veracruz na dala ni class C jockey MD De Jesus.

Balik-taya na P5.00 ang ibinigay sa win habang ang nadehadong pumangalawang kabayo ang naghatid pa ng P28.00 sa 5-1 forecast.

 

 

Show comments