EAC lumakas ang tsansa sa Final 4

MANILA, Philippines - Tinuhog uli ng Emilio Aguinaldo College ang Lyceum, 71-63 para lumakas pa ang laban para sa puwesto sa Final Four sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Gumawa agad sa first half si Jose Morada bago ipinagpatuloy nina Elyzar Paguia, Jan Jamon at Noube Happi ang malakas na panimula sa second half para maitabla ng Generals ang karta sa 7-7.

Nanalo sa unang tagisan sa 83-76 iskor, si Morada ay tumapos bitbit ang 21 puntos at 19 rito ay ginawa sa first half para tulungan ang EAC na hawakan ang 40-33 kalamangan.

Lalong umarangkada ang Generals sa ikatlong yugto nang limitahan lamang sa anim na puntos ang Pirates upang masundan ang impresibong 87-64 panalo sa Letran noong Setyembre 21.

May limang steals at anim na rebounds pa si Morada habang sina Elyzar Paguia, Jan Jamon at Noube Happi ay nagsanib sa 45 puntos.

Bumanat ng 15 puntos si Issah Mbomiko para sa Pirates na lumasap ng ikatlong sunod na pagkatalo para malagay ang isang paa sa hukay sa 4-10 baraha.

Samantala, lumawig pa sa 14 sunod ang pagpapanalo ng nagdedepensang juniors champion na San Beda Red Cubs sa kinuhang 98-63 demolisyon sa Perpetual Altalettes.

Si Joshua Andrei Caracut ay mayroong 18 puntos para pamunuan ang limang manlalaro na tumapos bitbit ang mahigit na 10 puntos at hawakan na ng Red Cubs ang twice-to-beat advantage sakaling magkaroon ng Final Four.

Ito ang ika-10 pagkatalo sa 15 laro ng Altalettes para mamaalam na sa kompetisyon.

Nanalo naman ang EAC Brigadiers sa Lyceum Baby Pirates, 78-76, para sa ikalawang panalo sa 14 na laro habang ika-14 sunod na pagkatalo ang nangyari sa huli.

 

Show comments