Finals 4 ticket pag-aagawan ng San Beda at Perpetual

MANILA, Philippines - Unang tiket sa 89th NCAA men’s basketball Final Four ang pag-aagawan ngayon ng nagdedepensang kampeon San Beda at pumapangalawang Perpertual Help sa pagbabalik-laro ng liga ngayong gabi sa The Arena sa San Juan City.

Parehong may tig-11 panalo ang Red Lions at Altas ngunit lider ang una dahil dalawa lamang ang kanilang talo laban sa tatlo ng huli.

Tampok na laro ang nasabing bakbakan dakong alas-6 ng gabi at nais ng tropa ni coach Boyet Fernandez na maduplika ang 72-65 panalo sa Altas sa unang ikutan.

Apat na dikit na panalo ang tangan ngayon ng San Beda sapul nang magsimula ang second round at mananalig ang koponan sa husay ng mga beterano tulad nina Baser Amer at Olaide Adeogun.

Asahan naman na bibigyan pa rin ng tropa ni coach Aric del Rosario ang kalaban ng magandang laban dahil na rin sa kahalagahan ng makukuhang panalo.

Bukod sa puwesto sa semifinals, lalakas pa ang laban ng Altas sa unang dalawang puwesto matapos ang elimination para hawakan din ang mahalagang twice-to-beat advantage.

May tatlong sunod na panalo ang Altas na pangu-ngunahan ng mahusay na rookie na si Juneric Baloria bukod pa sa matitikas na beterano tulad nina Ha-rold Arboleda, Justin Alano, Earl Thompson at Nosa Omorogbe.

Ang unang laro sa ganap na ika-4 ng hapon ay sa pagitan ng Lyceum at Emilio Aguinaldo College na kapwa nangangailangan ng panalo para manatiling palaban sa puwesto sa susunod na yugto.

Sa dalawang ito ay ang Pirates ang nasa must-win situation dahil sa 4-9 baraha kaya kailangan nilang maipanalo ang nalalabing limang laro at manalangin na ang ibang koponan ay hindi magkaroon ng higit sa siyam na panalo para magkaroon ng playoff.

Hindi naman magiging madali ang pakay na ito ng Lyceum dahil ang tropa ni coach Gerry Esplana ay magbabalak na lumapit pa sa nasa ikaapat na puwesto na San Sebastian kung maisulong ang 6-7 baraha.

 

Show comments