MANILA, Philippines - Kampante ang pamunuan ng ABAP na makapagpapadala sila ng solidong line-up para sa Myanmar SEA Games sa Disyembre.
Sa pagdalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate ni ABAP executive director Ed Picson at coach Pat Gaspi, sinabi ng una na sa kasalukuyan ay may iniindang injuries sina 2010 Guangzhou Asian Games gold medalist flyweight Rey Saludar at World Series of Boxing veteran lightweight Charly Suarez.
“Pareho silang may shoulder injuries. Si Charly may recurring injury dahil noon pang World Series of Boxing niya ito naramdaman. Si Rey may left shoulder injury matapos ang China Open pero gumaling na. Ang problema, ang ka-nan naman ang na-injured,†ani Picson.
Nasa therapy ang dalawa at wala namang dapat ipangamba dahil sa susunod na buwan ay inaasahan ang kanilang paggaling.
Ngunit kung sakaling hindi sila bumuti, may mga bata at mahuhusay na pamalit sa kanilang puwesto.
Si Roldan Boncales at Junel Cantancio ang pupuno sa puwestong posibleng iwanan nina Saludar at Suares.
Ang 20-anyos na si Boncales na gold medalist sa KL Invitational noong Enero at Cantancio, silver medalist ng China Open ay kasama sa limang boksi-ngerong ipadadala sa AIBA World Men’s Boxing Championship sa Almaty Kazakhstan mula Oktubre 14 hanggang 26.