PATAFA athletes magsasanay kasama ang Fil-Am athletes

MANILA, Philippines - Itutulak ng PATAFA ang pagpunta ng mga Fil-Am athletes sa bansa para makasama ang mga local athletes sa pagsasanay.

Tatlong Fil-Ams ang isinama sa Pambansang de-legasyon at ito ay ang kambal na sprinters na sina Kyla at Kayla Richardson at hurdles specialist Eric Cray para lumakas ang paghahangad ng bansa ng gintong medalya sa Myanmar SEA Games.

Ayon kay National coach Joseph Sy, malakas ang laban ng mga ito sa SEA Games pero dapat na magtungo sila sa bansa para magsanay at makilala rin ang mga local athletes. “Maliban dito, kailangan din nilang masanay sa mainit na klima. Kung sa US sila magte-training, baka mahirapan sila sa init kaya kung puwede sana ay pumunta na sila dito sa October para may  one-month sila na masanay sa init,” wika ni Sy.

May dalawa pang Fil-Ams ang nais na kunin ng Philippine Sports Commission (PSC) pero hindi pa pinangangalanan dahil hindi pa nila hawak ang kani-kanilang Philippine passports.

Binigyan ng POC-PSC Task Force SEA Games ang athletics team ng 23 slots pero itinutulak ni Sy na isama ang  lahat ng 38 athletes lalo pa’t karamihan sa kanila ay kasama sa delegasyong naglaro sa Thailand Open at nanalo ng 10 ginto, 10 pilak at 9 bronze medals.

Sa ngayon ang athletics team ay nagsasanay sa Baguio City at kasamang nagmamasid sa kanilang paghahanda si American coach Ryan Flaherty.

Show comments