MANILA, Philippines - Pinatunayan ng National University na kaya rin nilang mangibabaw sa cheerleading competition nang kunin ang UAAP Cheerdance Competition title kahapon sa nag-uumapaw na Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Umabot sa record crowd na 20,830 ang nanood at sumuporta sa kani-kanilang mga koponan pero sa huli, ang NU Pep Squad ang siyang may pinakamagandang ipinakita para mahigitan ang pangatlong puwes-tong pagtatapos noong nakaraang taon.
Gamit ang Arabian theme, halos perpekto ang ipinamalas na performance ng Bulldogs para makalikom ng nangu-ngunang 696.5 puntos at biguin ang UP Pep Squad sa hinangad na ikaapat na sunod na kampeonato.
“Ang maganda sa team na ito ay nandoon ang confidence nila. Kaya kaunting polishing na lang ang ginawa namin,†wika ni NU coach Ghicka Bernabe.
Sa limang aspeto na tumbling, stunts, tosses, pyramids at dance binigyan ng puntos ang walong paaralan na kasali at ang NU ay nanguna sa dance (360), tosses (90), pyramids (88.5) at stunts (74) para katampukan ang panalo.
Ang UP ay nalagay sa ikalawang puwesto sa 602.5 puntos habang ang La Salle ang pumangatlo sa 596.6 puntos.
Nakamit ng NU, ang National Cheerleading champion na pinaglaba-nan noong Mayo, ang gantimpalang P340,000.00 habang ang UP ay mayroong P200,000.00 at ang La Salle ay mayroong P140,000.00 na ipinamahagi ng Samsung.
Kinumpleto ng NU ang pagpapasikat dahil sila rin ang nagkampeon sa Group Stunts nang ta-lunin ang FEU at UST.
Ang FEU ang nalagay sa pang-apat na puwesto sa Cheerdance sa 589.5 puntos bago sinundan ng host Adamson (559.5), UE (559), UST (546) at Ateneo (514).
Kinilala naman si Ana de Leon ng La Salle bilang Samsung Stunner para maging ikalawang mag-aaral mula sa nasabing paaralan na nakakuha sa parangal.