MANILA, Philippines - Pinatawan ng mga multa ang mga hineteng nahuhuli sa takdang sakay o sa pagparada.
Ang mga batikang hinete tulad nina Jonathan Hernandez, Pat Dilema, Jan Alvin Guce at Dan Camañero ang ilan lamang sa pinagmulta ng P1,000.00 dahil sa nasabing kasalanan.
Si Hernandez ay napatawan ng kaparusahan sa kabayong Be Cool, si Dilema ay sa kabayong Strategic Manila, si Guce ay sa Sweetchildofmine at si Camañero ay sa Elusive Wind.
Nais ng pamunuan ng mga racing clubs na matiyak na tatakbo sa oras na nakaiskedyul ang mga inihandang karera kaya’t ipinipilit sa mga hinete na maging maagap lalo na kung magkakasunod ang sakay ng mga ito.
Kasabay nito ay may 24-racing days suspension si Rom Bolivar dahil sa nangyari noong Agosto 26 habang dala ang kabayong Kashmira sa karerang ginawa sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Kasong careless riding ang nagawa ni Bolivar para mapahinga muna sa pista.
Samantala, anim na buwan namang mamamahinga ang kabayong Made Of Honour matapos tumakbo noong Agosto 31 sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Dumanas ang kabayo ng bilateral epistaxis matapos ang nilahukang karera at ito ay nangyari sa ikaapat na pagkakataon.
Dalawang barrier trials din ang dapat gawin ng kabayo para makitang maayos na uli ang lagay nito bago makabalik sa pagtakbo.
Maging ang mga trainers ay hindi nakalusot dahil sina RA Vicente at MC Macaraig ay pinatawan ng tig-anim na buwang suspension.
Si Vicente ay sa kabayong Escolta habang sa Headline Chaser naman si Macaraig matapos ang kawalan ng magandang paliwanag kung bakit hindi nakatakbo ang dalawang kabayo noong Hunyo 7.