Gabica umabante, Reyes nalaglag

MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ni Antonio Gabica na maigupo ang hamon ni Nguyen Anh Tuan ng Vietnam sa 11-8 panalo sa pagsisimula ng aksyon sa World 9-ball Championship kahapon sa Alarabi Sports Club sa Doha Qatar.

May 12 Filipino cue-artists ang pumasok sa Last 64 at si Gabica at si Efren “Bata” Reyes ang mga naunang sumalang sa laro na isang race-to-11, alternate break format.

Umabante ang 2006 Doha Asian Games gold medalist na si Gabica sa second round at makakalaro si German Oliver Ortmann na pinagpahinga na si Chang Jung Lin ng Chinese Taipei, 11-6.

Minalas naman ang 1999 champion na si Reyes na natalo kay Nick Van den Berg ng Netherlands, 5-11.

Pakonsuelong $2,000 ang pabuyang makukuha ni Reyes na naalpasan ang loser’s bracket sa Group 1 sa naunang Group elimination.

Ang iba pang Pinoy cue artists na nasa main draw ay sina Marlon Villamor, Isael Rota, Mark Antony, Raymund Faraon, Lee Van Corteza, Jeff de Luna, Dennis Orcollo, Ramil Gallego, Carlo Biado at Marlon Manalo. Hindi naman pinalad ang 2010 champion Francisco ‘Django’ Bustamante na makaalpas sa Group.

Show comments