MANILA, Philippines - Kinailangan ng Cagayan Province ng tulong ng Thai spiker Kannika Thipachot para pigilan ang sana’y paglasap ng unang pagkatalo sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference nang itakas ang 22-25, 29-27, 25-13, 20-25,15-9 panalo sa Phi-lippine National Police kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Thipachot ay hindi pinaglaro sa first set at fourth set na kung saan natalo ang Lady Rising Suns para malagay sa pelig-ro ang pagpapalawig sa kanilang winning streak.
Ngunit ibinalik si Thi-pachot at nakipagsanib-puwersa sa ibang matitikas na spikers tulad nina Aiza Maizo, Angeli Tabaquero at Wenneth Eulalio para kontrolin ang mahalagang fifth set tungo sa pagkumpleto sa 7-0 sweep sa elimination round ng ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
“Binigyan ko ng pagkakataong makapaglaro ang iba para magkaroon sila ng confidence sa next round,†wika ni Cagayan coach Nestor Pamilar sa ginawang diskarte.
Umabot sa 11 manla-laro ang ipinasok ni Pamilar at si Thipachot ay tumapos taglay ang 12 hits para suportahan sina Maizo, Tabaquero, Eulalio at Analyn Benito na may 19, 16, 16 at 12 puntos.
Si Janine Marciano ay gumawa ng 24 puntos sa 19 kills, 3 blocks at 2 aces para sa Lady Patrollers na natalo sa ikaapat na sunod na pagkakataon.
Gumawa naman ng 16 attack points at 3 aces tungo sa 20 puntos ang nagbabalik na Thai import na si Lithawat Kesinee para tulungan ang Smart-Maynilad sa 25-18, 25-14, 25-11, panalo sa Philippine Navy sa ikalawang laro.
Pinagtibay ni Kesinee ang net game ng tropa ni coach Roger Gorayeb para wakasan ang dalawang sunod na pagkatalo at kunin na ang puwesto sa quarterfinals sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa sa 4-2 baraha.
Nabigo ang Navy na sakyan ang panalo sa FEU para sa 1-4 baraha.