KIEV, Ukraine – Nakausad si Michael Angelo Plania sa susunod na round habang bigo ang isa pang pambatong Pinoy pug na si Jason Daming sa pagsisimula ng 2013 AIBA Junior World Boxing Cham-pionships sa lungsod na ito noong Linggo.
Ginulantang ni Plania (54kgs, bantamweight) ang mas mataas na kalabang si Joto Taboshvili ng Georgia sa unanimous decision habang yumukod naman si Daming (46kgs, pinweight) ng Cagayan de Oro sa mas matangkad ding kalaban mula sa Korea na si Kim Bi.
Inatake ni Plania ang depensa ng Georgian na nagtangkang mag-counter ngunit nabigo sa mabibilis na jabs at overhead shots ng General Santos native. Ilang beses na nakitang nahirapan ang Georgian na suportado ng crowd, sa walang tigil na pag-atake ng Pinoy pug.
Ang tournament na isinasagawa kada-ikalawang taon sapul noong 2001, ay kinatatampukan ng 51 boxers mula sa 56 bansa na may edad 15-16 gulang.
Dati itong kilalang AIBA Cadet World Championships na may 13 weight categories na pinaglalabanan mula 46 kg (101 lbs) hanggang 80+kg (over 176 lbs.).
Masisilayan ngayon si Hipolito Banal Jr. ng Cebu, ang nakababatang kapatid ni professional boxer AJ Banal, kontra kay Eljan Gafarli ng Azerbaijan sa 48 kg light flyweight match. Ang ikaapat na pambato ng Phl team ay si Paul Gilbert Galagnao ng Cagayan de Oro ay sasabak nitong Miyerkules kontra kay Hungarian Istvan Szaka.