PCSO Special Maiden Race

MANILA, Philippines - Pasisiglahin ang pista sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite sa itatakbong PCSO Special Maiden Race.

Limang kabayo ang mag-uunahan sa 1,200-metro distansya at ang mananalo ay tatanggap ng P600,000.00 na unang gantimpala mula sa P1 milyong kabuuang premyo na inilaan ng Phi-lippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ang mga kasali ay ang Great Care (JB Cordova), Sweetchildofmine (JA Guce), Tap Dance (JB Guce), Skyway (MA Alvarez) at Magical Bell (JAA Guce).

Galing ang Tap Dance sa panalo sa Novato race noong Hulyo 21 pero tiyak na mapapalaban siya sa mga katunggali na tiyak na inihanda nang husto para makuha ang magarang premyo.

Ang papangalawa ay mayroong P225,000.00 habang P125,000.00 ang papangatlo. Ang breeder’s prize ay nasa P50,000.00.

Samantala, nakuha ng Hero’s Honour ang unang panalo sa buwan ng Set-yembre matapos dominahin ang 3YO Handicap race noong Huwebes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Sampung kabayo ang nagsukatan ng galing sa karerang inilagay sa 1,400-metro distansya at napalabas ni Alcasid ang husay ng kabayo upang manaig sa Buko Maxx na dala ni Rodeo Fernandez.

Outstanding favorite ang Hero’s Honour at balik-taya ang nangyari sa forecast sa ibinigay na P5.00 habang ang napaborang 2-1 forecast ay may P11.50 dibidendo.

 

Show comments