Manalo pasok sa World Pool 9-Ball C’ships

MANILA, Philippines - Nalusutan ni Filipino cue artist Marlon Manalo si Jasen Al Hasawi ng Kuwait, 7-6 sa finals ng qualifying event para makatiyak ng puwesto sa main draw ng World Pool 9-Ball Championships sa Al Arabi Sports Club sa Doha Qatar.

Apat na laban ang dinaanan ni Manalo sa isa sa 12 qualifying events para madetermina ang mga manlalarong kukumpleto sa 128-man sa main draw.

Race-to-seven ang labanan at binokya ni Manalo ang dalawang manlalaro ng Saudi Arabia na sina Sultan Alfalih at Mohammad Ali Hassan bago napalaban sa kababayang si Demosthenes Pulpul, 7-5.

“Naniniwala ako na kaya ko pang manalo sa malalaking international tournament at sana ay magtuluy-tuloy ang suwerte ko sa main draw,” wika ni Manalo, barangay chairman sa Barangay Malamig sa Mandaluyong City.

Si Manalo ang ika-siyam  na Pinoy na nakaabante. Ang iba pang Filipino players na nag-qualify ay  sina Efren ‘Bata’ Reyes, Francisco ‘Django’ Bustamante, Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Carlo Biado, Jeffrey de Luna, Israel Rota at Antonio Gabica.

Show comments