Walang nakapigil sa Tiger Run

MANILA, Philippines - Hindi natapatan ang mainit na takbo ng Tiger Run para katampukan ang mga pagpapanalo ng mga pina-borang kabayo sa ginanap na karera noong Martes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.

Si AR Villegas pa rin ang hinete ng kabayo na pinatawan ng pinakamabigat na handicap weight na 58 kilos sa special class division race na pinaglabanan sa 1,200-metro.

Walang epekto ito dahil kondisyon ang nasabing kabayo na nagbanderang-tapos sa tagisang nilahukan ng pitong kabayo.

Ang Aranque na ginabayan ni Jonathan Hernandez, ang pumangalawa sa datingan para magkaroon pa ng maganda-gandang dibidendo sa forecast.

Naorasan ang Tiger Run ng 1:09 sa kuwartos na 22’, 21’, 25 at ang panalo ay naghatid ng P8.00 habang ang 1-6 forecast ay nagpasok pa ng P23.50 dibidendo.

Tamang-tama naman ang bitaw ni Pat Dilema sa Fourth Dan para manalo sa 3-horse race sa 3YO Special Handicap Race na inilagay sa 1,200-metro distansya.

Nasa gitna ang Fourth Dan ng Angel Of Mine ni Val Dilema at Furniture King ni Jessie Guce papasok sa huling 100-metro at dito pinahataw ni Dilema ang sakay na kabayo upang manalo.

May 1:09 winning time ang Fourth Dan at nakapagtala ito ng halos isang dipang agwat sa puma-ngalawang Furniture King para magpasok ng P29.50 ang forecast habang P8.50 ang inabot ng win.

Pinakapatok na kabayo na nanalo ay ang Green Grass habang ang pinakadehadong nagwagi sa pista ay ang Native Land.

Si IA Aguila ang hinete ng Green Grass na tumakbo kasama ang coupled entry na Epira sa class division 1A at nanaig sila sa hamon ng Newsmaker na sakay ni Pat Dilema.

Nasa P5.50 ang dibidendo sa win habang P9.00 ang ibinigay sa forecast na 2-5.

Si Villegas ang hinete ng Native Land para magkaroon ng dalawang panalo sa gabi.

Hindi umubra ang labang ipinakita ng Cat’s Diamond para makapagpamahagi ng P24.50 sa win at P115.00 sa 3-2 forecast.

 

Show comments