MANILA, Philippines - Masusulit ang ilang araw na paghihintay ng mga panatiko ng NCAA dahil eksplosibong laro ang matutunghayan nila sa pagbabalik ng liga sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayon.
Tampok na bakbakan sa ganap na ika-6 ng gabi ay ang tipanan ng dalawang nangungunang koponan na San Beda at Letran.
Ang mananalo ang siyang titingalain bilang lider ng liga sa pagtatapos ng kanilang asignatura sa unang ikutan.
Magkasalo ang Lions at Knights sa 7-1 na nangyari matapos matalo ang tropa ni coach Caloy Garcia sa kamay ng Perpetual Help, 66-80, noong Agosto 15.
Naniniwala si coach Garcia na makakatulong ang pagkatalong nalasap para lumabas uli ang naunang tikas na naipapakita ng kanyang mga bataan.
“The pressure of being undefeated is over. Now, we can look forward and try to be in the top two spots until the end of the eliminations,†wika ni Garcia.
Ito ang unang pagkikita ng dalawang koponan na nagtagisan sa titulo noong nakaraang taon. Ang Lions ang namayani matapos talunin ang Knights sa tatlong mahigpitang labanan.
Sa ngayon, ang Lions ang may momentum dahil ang tropa ni coach Boyet Fernandez ay may anim na sunod na panalo matapos masilat ng Lyceum, 66-70, noon pang Hunyo 24.
Tapatan nina Olade Adeogun at Raymund Almazan ang isa sa kasa-sabikan sa labang ito bukod pa sa tagisan nina Ba-ser Amer at Mark Cruz at Rome dela Rosa at rookie gunner Rey Nambatac.
Unang magtutuos sa seniors game ang Jose Rizal University at Arellano sa ganap na ika-4 ng hapon at ang Heavy Bombers ay magbabalak na sungkitin ang ikaanim na panalo sa siyam na laro kung mananalo sa Chiefs.
Ito ang unang laro ng NCAA sa linggong ito matapos kanselahin ang mga aksyon noong Lunes at Huwebes bunga ng malawakang pagbaha dulot ng ulan na hatid ng habagat.