MANILA, Philippines - Hindi nakaligtas ang Rizal Memorial Sports Complex sa baha dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan kahapon sa National Capital Region at kalapit na lugar.
Lagpas baywang ang tubig sa kahabaan ng Pablo Ocampo Street, dating Vito Cruz na nakapasok sa loob ng sports complex na pag-aari ng gobyerno partikular sa Rizal Memorial Coliseum, Badminton Center, Gymnastics Center at maging ang tennis courts.
Pinakamatinding napinsala ay ang Ninoy Aquino Stadium at ang bowling center na nasa may Adriatico Extension kung saan may kalapit na creek na pinagmumulan ng tubig.
“Right now, I really don’t know the actual da-mage because of the flood at Rizal (Complex) but I know that Ninoy (Aquino Stadium), Rizal (Memorial Center), badminton, gymnastics and a few others are under water,†sabi ni Phl Sports Commission chairman Richie Garcia na kagagaling lang sa Nanjing, China para samahan ang Pambansang koponan na kalahok sa Asian Youth Games.
Ayon kay Garcia, hindi malalaman kung gaano kalaki ang pinsala hangga’t hindi gumaganda ang panahon.
Ang mga National athletes na nakatira sa complex ay hindi pa naman apektado ng baha dahil mataas naman ang mga lugar na kanilang tinutuluyan ngunit nahinto ang kanilang training.
Matatandaang gumastos ng milyun-milyon ang ahensiya para sa pagpapa-repair matapos ang bagyong Ondoy na sumalanta sa bansa..