Mission accomplished Gilas! puso talaga!

MANILA, Philippines - Hindi napigilan ni Ranidel de Ocampo ang mapahagulgol sa harap ng mga mamamayahag sa post game interview matapos ang panalo ng Gilas Pilipinas sa Korea noong Sabado ng gabi.

“Umiyak ako noong nag-champion ako sa Talk ‘N Text pero hindi ganito ka-grabe. Iba talaga ang nararamdaman ko at gusto kong magpa-salamat sa lahat ng mga naniwala at di nagsawang magpunta sa Mall of Asia Arena,” wika ng 6’6” na si De Ocampo habang humihikbi.

Mga PBA players ang bumuo sa koponan at lahat sila ay nakatikim na ng malaking panalo sa basketball careers.

Pero walang makaka-talo sa tamis ng tagumpay dahil bansa ang tunay na nakinabang ng kanilang pagsasakripisyo dahil makakalaro uli ang Pilipinas sa FIBA World Cup sa 2014 sa Madrid, Spain na siyang tunay na mis-yon ng Gilas Pilipinas.

“It’s awesome man,” wika ni Gabe Norwood. “I played in some big games before, a state championship in high school and a Final Four in college but that didn’t came close.”

“This is my first time sa Philippine team at nakapasok agad sa world basketball. As a player, sobrang lucky ko na nakapasok agad sa world basketball, sobrang proud ko sa sarili,” wika naman ni Jayson William (Castro).

Matamis ang panalo dahil ilang beses nang hinihiya ng Korea ang Pilipinas sa mga naunang pagkikita.

Lalo pang gumanda ang panalo dahil nangyari ito na wala si Marcus Douthit matapos ilabas sa huling limang minuto sa ikalawang yugto bunga ng right calf injury.

Wala namang dapat pagtakhan kung bakit nangyari ito wika ni Jimmy Alapag dahil nakatulong ang binitiwang pananalita noon ng dating kasamahan sa team na si Kelly Williams.

“I told the guys something that Kelly Williams told me before. He said ‘no fear, all heart’. I know his not here with us and is in the States but he is still with this team,” pahayag ni Alapag na tumayong bida sa huling bahagi ng labanan nang maipasok ang dalawang tres para lumayo na ang host country sa Koreans.

Kalaro kagabi ng Gilas ang Iran para sa titulo at makaaasang hahataw pa at hindi kontento ang bawat manlalaro para mabigyan pa ng karangalan ang Pilipinas.

Show comments