MANILA, Philippines - Pinawi ng kabayong Shining Light ang pagkatalo sa huling takbo matapos mangibabaw sa sinalihang karera noong Miyerkules ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si Jessie Guce ang sumakay sa kabayong tumakbo kasama ang coupled entry na Lady Gianne Gee sa class division 1B sa 1000-meter sprint race at hindi umabot ang WhispeÂring Melody na ginabayan ni Pat Dilema.
Talunan ang Shining Light ng Green Grass noong Agosto 1 pero napaboran pa rin ang kabayo para makapaghatid ng P9.00 sa win habang nasa P49.50 pa ang 1-3 forecast.
Nakapagpasikat din ang kabayong It’s June Again para makapaghatid ng tuwa sa mga dehadista na tumangkilik sa karerang ginawa sa state-of-the-art race track na pag-aari ng Metro Manila Turf Club.
Si Mark Alvarez ang hinete ng kabayo na dinomina ang 1,200-metro karera sa class division 4 at ang tinalo ng tambalan ay ang Luna Rossa ni Rodeo Fernandez.
Noong Hulyo 17 pa huling nanalo ang It’s June Again na ginawa sa nasabing race track para makapaghatid ng P54.00 sa win habang P190.50 ang ipinasok sa 5-1 forecast.
Isa pang di napaboran ay ang Newsmaker na kuminang sa class division 1-A sa 1,000-metro distansya.
Sakay ang kabayo ni Pat Dilema at nanaig ang tambalan sa Green Grass para maunsiyami ang hanap na ikalawang dikit na panalo sa buwan ng Agosto ng kabayong nirendahan ni IL Aguila.
Pumalo pa sa P33.00 ang win habang P125.50 ang 4-2 forecast.