Baldwin idinagdag sa Gilas coaching staff

MANILA, Philippines - Bago magsimula ang 27th FIBA-Asia Championships ay kinuha si Tab Baldwin para palakasin ang coaching staff ng Gilas Pilipinas.

Nasorpresa ang marami nang dumating si Baldwin, utak sa second-place finish ng Jordan sa Wuhan FIBA-Asia noong 2011, sa Mall of Asia Arena kasama sina Gilas assistant coaches Norman Black at Jong Uichico.

Nakasuot si Baldwin ng pareho sa suot ng mga Gilas coaches.

“I’m with them unofficially,” ani Baldwin.

“He helped us in New Zealand and we invited him over,” sabi naman ni Josh Reyes, anak ni Gilas head coach Chot Reyes na isa rin sa kanyang assistant.

Si Baldwin, nangasiwa sa training camp ng Gilas sa Napier, New Zealand noong nakaraang buwan ay dumating galing Auckland noong Sabado.

Apat na taon na siya sa Asian basketball circle at siya ang nagmando sa Jordan nang kanilang silatin ang Iran sa quarterfinals sa Wuhan noong 2011. Mula rito ay dinurog ng Jordan ang Philippines sa semifinals bago natalo sa China sa finals.

Bago ito, ang Jacksonville, Florida native ang nagdala sa Lebanese national team sa FIBA-Asia Stankovic Cup title.

Matapos ito ay bumalik siya ng New Zealand kung saan siya naka-base noong 90s kaya siya na-ging honorary officer ng New Zealand Order of Merit dahil inihatid niya ang  Tall Blacks sa semifinal finish noong 2002 World Championships sa Indianapolis.

Dahil sa kanyang malawak na karanasan sa Asian basketball, ang 55-gulang na coach  ay malaking tulong para sa kampanya ng Gilas Pilipinas. 

 

Show comments