Tropa ni Durant vs team ni World Peace: Davis natalo ng $50K sa pustahan?

LOS ANGELES – Umagaw ng eksena sina dating NBA All-Star Baron Davis at rapper The Game nang mag-tweet ang huli na nagkasundo silang maglagay ng pustang $50,000 sa magiging resulta ng laro sa Los Angeles Drew League sa pagitan ng three-time reigning champion na LAUNFD (L.A. Unified) na pag-aari ni Davis at ng Money Gang ni The Game sa isang rematch ng kanilang nakaraang championship game.

Ayaw magkomento ni Davis sa nasabing pustahan at kung ito man ay natuloy.

Kung nagkaroon ng pustahan, si The Game ang nanalo ng $50,000 mula sa paggiya ni Metta World Peace sa Money Gang sa 92-90 tagumpay laban sa LAUNFD na nakakuha ng 35 points at 17 rebounds kay Kevin Durant.

 Matapos ang palitan ng bentahe sa napunong King Drew Magnet High School, natiyak na ng Money Gang ang panalo nang lumamang ng 5 puntos sa huling tatlong minuto ng laro.

Ngunit nakalapit ang LAUNFD sa dalawang puntos kasunod ang split ni World Peace para sa Money Gang. Nakuha ni Durant ang bola at tumirada sa 3-point line. Subalit ito ay nagmintis.

Naglaro para sa koponan ni The Game sina DeMar DeRozan, Stephen Jackson at Shannon Brown. Dumating naman si World Peace bago tumunog ang pregame buzzer.

Tumapos si World Peace, napatawan ng technical foul matapos mambato ng bola sa kanyang kalaban, na may 29 points at 13 rebounds.

Kumolekta naman si DeRozan ng 27 points at 11 rebounds. Nagdomina naman si The Game sa shaded lane matapos ang malamyang outside shooting.

Show comments