MANILA, Philippines - Anim na imports o ang mga tinatawag na naturalized players ang nasa line-ups ng 27th FIBA-Asia Championships na magsisimula sa Huwebes at walang dudang si Jarvis Hayes mula sa Qatar ang mangunguna kung credentials ang pagbabasehan.
Si Hayes na magdiriwang ng ika-32 kaarawan sa Aug. 9, ang first pick ng Washington Wizards at 10th overall noong 2003 NBA draft at kumita ng tinatayang $13.4 Million sa pitong taong major league career.
Maaaring kunin sana ni Qatar coach Tom Wisman si NBA veteran Trey Johnson o ang long-time Qatar league mainstay na si Boney Watson para palakasin ang kanilang team ngunit walang dudang si Hayes ang mapipili.
Ang 6-foot guard na si Watson ang tumulong sa Qatar sa FIBA-Asia 3x3 championship kamakailan. Lumaro naman si Johnson para sa Qatar sa FIBA Asia Cup sa Tokyo noong nakaraang taon.
Si Hayes ay 6’7 versatile forward na nag-average ng 10.2 points at 4.2 rebounds para saWizards noong 2004-05 season at mahusay na free throw shooter. Lumaro rin siya sa Detroit Pistons at New Jersey Nets.
Si Hayes na may kakambal na si Jonas, ay nag-average ng 17.1 points bilang freshman sa Western Carolina varsity team bago lumipat sa University of Georgia.
Kasabayan ni Hayes sa NBA draft si LeBron James na siyang top overall pick. Mas nauna siyang napili kina David West, Boris Diaw, Carlos Delfino, Kendrick Perkins, Leandro Barbosa, Luke Walton, Steve Blake, Matt Bonner at Kyle Korver.
Ang iba pang import sa FIBA-Asia ay sina 6’10 Marcus Douthit ng Providence College para sa Gilas Pilipinas, 6’0 Jerry Johnson ng Rider University para sa Kazakhstan, 6’6 Jimmy Baxter ng University of South Florida ng Jordan, 6’11 C. J. Giles ng Kansas para sa Bahrain at Oregon State at 6’9 Quincy Davis ng Tulane University ng Chinese-Taipei.
Ang 33-gulang na si Douthit, ang second round pick ng Los Angeles La-kers noong 2004 NBA draft. Ito ang kanyang ikalawang FIBA-Asia Championships matapos mag-average ng 21.9 points at 12.2 rebounds sa Wuhan.