MANILA, Philippines - Kung nakabuti ba o nakasama ang diretsong pag-abante sa semifinals ng TMS-Philippine Army at Cignal ay magkakaroon ng katugunan sa pagharap ng dalawa sa magkahiwalay na laro sa pagbabalik-aksyon ng Philippine Super Liga (PSL) women’s volleyball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kalaro ng Lady Troopers ang Cagayan Valley sa ganap na ika-5 ng hapon na susundan ng tagisan ng HD Spikers at Petron dakong alas-7 ng gabi at ang mananalo ang aabante sa Finals sa Linggo.
Ang mga nais na manood ng maaksyong labanan sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Solar Sports, Mikasa at Asics ay maaaring ma-kabili ng ticket sa halagang P250 sa patron section, P150 sa lower box, P100 sa upper box at P75 sa general admission.
Dahil sa pinangunahan ang elimination, ang TMS-Army at Cignal ay dumiretso sa Final Four habang ang mga makakatapat na Lady Blaze Boosters at Lady Rising Suns ay napalaban pa sa quarterfinals na kung saan tinalo nila ang PCSO-Bingo Milyonaryo at PLDT-MyDSL.
Yumuko ang Lady Troopers sa Lady Rising Suns sa naunang pagkikita sa larong umabot sa limang set, 23-25, 27-25, 24-26, 25-14, 12-15, pero naniniwala si TMS-Army coach Rico de Guzman na handa na sila para bawian ang tropa ni coach Nestor Pamilar.
“Mas handa na kami ngayon na harapin sila. Gutom kami at nais na-ming makuha ang titulong ito,†wika ni de Guzman na aasa sa husay nina Joanne Bunag, Michelle Carolino at Jovelyn Gonzaga.
Ang momentum ang sinasandalan ni Pamilar para mailinya ang koponan sa ikalawang sunod na titulo matapos maghari sa Cagayan Friendship Games.