MANILA, Philippines - Ibabalik ng Letran ang focus sa kampanya sa NCAA men’s basketball sa pagtataya ng walang-mantsang karta sa Arellano ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Ikaanim na sunod na panalo ang nakataya sa Knights sa pagharap sa Chiefs sa kanilang ika-4 ng hapon na tunggalian.
Susundan ito ng sukatan ng Lyceum at host St. Benilde dakong alas-6 ng gabi at ang Bla-zers ay nananalig na ang araw na ito ang tatapos sa limang sunod na pagkatalo na bumulaga sa kanilang kampanya.
Naungusan uli sa endgame ang Blazers ng San Sebastian, 78-80, para magpatuloy ang kamalasang inaabot ng koponan ni coach Gabby Velasco.
Tiyak namang lalaban uli ang koponan sa Pirates na handang tapatan ang intensidad ng katunggali para tapusin ang dalawang sunod na pagkatalo upang masa-yang ang 2-1 panimulang karta.
Huling pinataob ng tropa ni coach Caloy Garcia ang Lyceum, 61-53 pero ang kasiyahang dulot ng ikalimang sunod na panalo ay nabahiran ng lungkot matapos pagbabarilin ang back-up guard na si Franz Dysam at kinakasamang si Joan Sordan habang sila ay papauwi na.
Anim na bala ang tumama kay Dysam pero minalas na nasawi si Sordan sa pangyayari.
Dahil dito, iniaalay ng Knights ang mga laro kay Dysam na nagpapagaling na sa ospital matapos ang matagum-pay na operasyon para alisin ang apat na naiwang bala sa kanyang katawan.
Samantala, hiningi ng pamunuan ng NCAA ang tulong ng iba pang nakakita sa insidente na lumutang para sa agarang paglutas sa kaso.
Kinondena rin ang pananambang at tiniyak na nasa likod sila ni Dysam sa paghahanap ng katarungan.