‘Pirma ka muna sa akin’ -alok ni Floyd kay Manny

MANILA, Philippines - Kung gusto ni Manny Pacquiao na maitakda ang kanilang super fight ni Floyd Mayweather Jr. ay kailangan muna siyang lumagda sa Mayweather Promotions.

Ito ang pagyayabang muli ni Mayweather sa Filipino world eight-division champion.

“The only way he’s (Pacquiao) getting the fight with me is if he signs with Mayweather Promotions,” sabi ng undefeated pound-for-pound champion sa Yahoo! Sports.

Hanggang 2014 pa ang kontrata ng 34-anyos na si Pacquiao sa Top Rank Promotions ni Bob Arum.

Si Arum ang siyang naging promoter ni Mayweather mula noong 1996 hanggang 2006 bago sila naghiwalay ng landas sa sumunod na taon.

Hanggang ngayon ay may sigalot pa rin sina Arum at Mayweather, nangakong hindi lalaban kasama ang Top Rank.

Ayon sa 36-anyos na si Mayweather, hindi siya nagbibiro sa kanyang pahayag kay Pacquiao.

“He’s got to give me fights with Mayweather Promotions. If he don’t give me no fights under Mayweather Promotions, then he’s not getting the fight,” wika ni Mayweather sa Sarangani Congressman.

Tatlong beses nang nabalam ang negosasyon nina Pacquiao at Mayweather dahilan sa isyu sa pagsailalim sa Olympic-style random drug testing at hatian sa premyo. 

Sinabi ng American world five-division titlist na siya pa rin ang pinakasikat na boksingero sa buong mundo. Kamakailan ay tinawag ni Mayweather si Pacquiao na laos.

 

Show comments