MANILA, Philippines - Asahan uli na maipapamalas ng San Sebastian ang matinding depensa habang ang magandang samahan ang nais ipakita ng Perpetual Help sa pagpapatuloy ng laro sa 89th NCAA men’s basketball ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Wala pa rin si Stags headcoach Topex Robinson pero magpapatuloy ang matikas na paglalaro ng Baste na balak kunin ang ikatlong sunod na panalo at 4-2 sa kabuuan sa pagharap sa Emilio Aguinaldo College sa ganap na ika-4 ng hapon.
Si Raymond Valenzona ang siyang didiskarte uli para sa nasabing koponan at nais niyang masundan ang 80-78 panalo sa St. Benilde noong Huwebes.
“Basta dumepensa lang kami at sumunod sa game plan, lalaban kami,†wika ni Valenzona na siya ring coach ng Staglets sa juniors division.
Ang makukuhang panalo ay magpapatatag sa San Sebastian sa pagkakakapit sa ikaapat na puwesto sa team standing.
Samantala, balak uling sumalo ng Altas sa pahi-ngang San Beda sa ikalawang puwesto kung mapapataob ang Mapua sa tampok na laro dakong alas-6 ng gabi.
May kumpiyansa si coach Aric del Rosario na mananalo pa ang kanyang bataan na kinakikitaan ng maturity ng paglalaro dahil sa magandang pagtutulungan kaya’t naipanalo ang apat sa unang limang labanan.
“Ang team namin ngayon, sama-sama na at hindi na nagkakahiwalay. Kaya paano mo tatalunin ang ganitong team,†wika ni Del Rosario na aasa sa mga beteranong sina Harold Arboleda, Earl Thompson, Chris Elopre, Noosa Omorogbe at rookie pero shooter na si Juneric Baloria.
Ang Cardinals at Generals ay parehong may 1-4 karta at gagawin din ng mga manlalaro ang lahat para di lumaki ang agwat nila sa mga nangungunang koponan.