MANILA, Philippines - Hangad ng Perpetual Help na umangat pa sa team standing sa pagsukat sa husay ng Arellano sa pagpapatuloy ng 89th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay itinakda sa ganap na ika-4 ng hapon at nakataya sa Altas ang ikaapat na panalo sa limang laro na magtutulak sa koponan ni coach Aric Del Rosario na makatabla uli ang pahingang San Beda sa ikalawang puwesto.
Galing ang Altas sa 71-66 tagumpay sa Lyceum noong nakaraang Sabado para mapigil ang sana’y paglasap ng ikalawang sunod na kabiguan.
“Lalaban lagi ang mga bata. Kahit na ano pa ang sitwasyon basta magtulung-tulong lang kami,†wika ni Del Rosario.
May 2-2 baraha ang Chiefs at nais ng tropa ni coach Koy Banal na masundan ang 65-59 panalo sa Mapua upang maitala ang kauna-unahang back-to-back panalo sa liga.
Ang baguhang si Juneric Baloria ay makiki-pagtulungan uli kina Noosa Omorogbe at Earl Thompson para sa Altas habang sina John Pinto at James Forrester ang magdadala sa Chiefs.
Aasintahin din ng San Sebastian ang ikatlong panalo sa limang laro sa pagharap sa minamalas na College of St. Benilde dakong alas-6 ng gabi.
Wala si coach Topex Robinson na nasa US kasama ang Alaska Aces bilang insentibo matapos manalo sa PBA Commissioner’s Cup kaya’t sina assistant coaches Arturo Cristobal at Raymond Valenzona ang didiskarte sa Stags.
Kailangang hindi mawala ang ipinakikitang solidong paglalaro ng mga baguhang tulad nina Jamil Ortuoste, Leo de Vera at Jaymar Perez dahil kating-kati na ang host Blazers na makatikim ng panalo.
Nananalangin si coach Gabby Velasco na maipakikita na ng kanyang mga bataan ang hanap niyang tikas lalo na sa endgame na siyang dahilan ng pagkatalo sa unang apat na laro.