MANILA, Philippines - Tumugon ng maganda ang kabayong My Champ matapos hingian ni jockey Fernando Raquel Jr. para angkinin ang ikatlo at huling yugto ng Philracom Hopeful Stakes Race noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Nagpainit muna ang nasabing kabayo sa unang yugto sa 2,000-metro karera bago kumayod sa back stretch hanggang sa itodo na sa rekta upang abutan ang sana’y banderang-tapos na Sharp Shooter na hawak ni Mark Alvarez.
May oras na 2:11 sa kuwartos na 24’, 23’, 27’, 27 at 28’, ang My Champ para kunin ang P600,000.00 unang gantimpala mula sa P1 milyong pinaglabanan sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission.
Patok ang Sharp Shooter sa 11 naglaban pero naubos ito sa datingan upang masayang ang malakas na panimula na kung saan lumayo ang kabayo ni Alvarez ng halos walong dipa sa unang kurbada.
Ang Nurture Nature ang pumangatlo sa dati-ngan bago sumunod ang Right Direction para makumpleto ang datingan.
Nagpamahagi pa ng P27.00 ang win habang ang dehadong 8-1 kumbinasyon ay nagpasok ng P391.00 sa forecast.
Kuminang din ang laban ng Shadow Jane sa 2YO Maiden Race na pinaglabanan sa 1,300-metro distansya.
Hindi natinag ang kabayong hawak ni Pat Dilema sa labang ibinigay ng Princess Jo para sa first win. May 1:27 winning time ang Shadow Jane na nagbigay ng P24.50 sa win habang dehado rin ang 6-2 forecast tungo sa P526.00 dibidendo.