MANILA, Philippines - Kung may isang bagay na nais na makita si San Beda coach Teodorico ‘Boyet’ Fernandez sa kanyang mga bataan, ito ay ang kanilang killer instinct.
May dalawang dikit na panalo ang Lions para pawiin ang 1-1 panimula pero hindi pa kontento si Fernandez sa ikinikilos ng kanyang koponan lalo pa’t patuloy ang mahinang panimula ng kanyang mga bata sa kanilang mga laban.
Sa huling laro laban sa Emilio Aguinaldo College na kanilang dinurog, 80-65, noong Hulyo 4, sa huling yugto lamang nagtrabaho nang husto ang Lions para ibaon ang katunggali.
“Kulang pa sa intensity lalo na sa start ng game. Hopefully, our last win will give us more energy for our next game,†wika ni Fernandez.
Kalaro ng Lions ang Mapua dakong alas-6 at hindi nila puwedeng biruin ang Cardinals na kahit may 1-3 karta ay handang makipagsabayan lalo na kung bibigyan ng oportunidad.
Unang magpapang-abot sa seniors ay ang Jose Rizal University at Emilio Aguinaldo College sa ganap na ika-4 ng hapon at ikatlong tagumpay sa limang laro para makakalas sa four-way tie sa ikaapat na puwesto ang habol ni coach Vergel Meneses.
Sariwa ang Heavy Bombers sa 73-71 overtime panalo sa host St. Benilde at ang nakitang tikas sa endgame ang siyang aasahan ni Meneses para itala ang unang back-to-back wins ng koponan sa liga.