MANILA, Philippines - Patunayan niya sa ring.
Ito ang tugon ni Merlito ‘Tiger’ Sabillo sa naunang pahayag ni Colombian challenger Jorle Estrada na matatapos ang kanilang labanan para sa WBO World Minimumweight title sa Sabado sa pamamagitan ng seven round knockout.
“Ang masasabi ko lamang sa sinabi niya ay tingnan na lang natin sa ring. Siguraduhin niya na matatalo ako sa seven rounds,†wika ni Sabillo sa pulong pambalitaan na kinapalooban ng lahat ng mga boksingerong maglalaban-laban sa Pinoy Pride XXI kahapon sa Solaire Resort and Casino Grand Ballroom sa Parañaque City.
Ito ang unang pagdedepensa ni Sabillo sa titulong nakuha nang hiyain sa pamamagitan ng eight round technical knockout si Colombian fighter Luis dela Rosa noong Marso 9 sa lugar ng huli.
Ang dalawa pang Pinoy na lalaban ay sina International Boxing Federation (IBF) light flyweight champion Johnriel Casimero at WBO light flyweight Donnie Nietes.
Inulit naman ni Estrada ang paniniwalang kayang hiyain si Sabillo sa harap ng kanyang mga kababayan at maipaghiganti rin ang pagkatalo ni Dela Rosa.
Tatlong labanan sa hanay ng Pinoy at banyagang boksingero ang masisilayan sa mga undercards sa pangunguna ng pagtutuos nina Arthur Villanueva at Arturo Badillo ng Mexico para sa WBO Asia-Pacific Superflyweight title.
Ang nagbabalik na si AJ ‘Bazooka’ Banal ay masusukat kay Abraham Gomez ng Mexico sa isang 10-rounder habang si Albert Pagara ay mapapalaban kay Khunkhiri Wor Wisaruth ng Thailand sa loob ng eight rounds.