Phil. Super Liga libre pa rin sa publiko

MANILA, Philippines - Para mapagbigyan ang mga fans na hindi nakakuha ng tiket sa mga opening matches noong Linggo sa Philsports Arena, nagdesisyon ang organizers ng Philippine Super Liga women’s volleyball tournament na ilibre ang mga PSL fans para sa mga laro sa Miyerkules at Biyernes sa The Arena sa San Juan.

Sinabi ni Ramon ‘Tats’ Suzara, ang PSL president at CEO, na nagkasundo na sina San Juan Mayor Guia Gomez at PSL Chairman Philip Ella Juico na ipagamit ng libre ang The Arena sa publiko matapos mabigo ang mga fans na mapanood ang PSL opening dahil sa maliit na kapasidad ng Philsport Arena na isang 7,500-seater.

Idinagdag pa ni Suzara na ito ay bahagi rin ng hangarin ng PSL na mapalapit ang mga fans sa volleyball na hindi lamang sa bansa sumisibol kundi maging sa Southeast Asia.

“We are so sorry we had to turn away so many fans who have asked us for free tickets on opening day,” wika ni Suzara. “But we have reached the capacity limit at the Philsports although we had wanted to accommodate as many fans as we could.”

“The Arena, through the support of Mayor Gomez, could accommodate more fans for two playing days. And then we’ll go back to the Philsports for the next games until the championships,” dagdag pa nito.

Target ng Cagayan Valley, tinalo ang Philippine Army noong Linggo sa bisa ng 25-23, 25-27, 26-24, 14-25, 15-12 panalo, ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa PCSO-Bingo Milyonaryo bukas ng alas-4 ng hapon matapos ang laro ng Cignal, umiskor ng 25-22, 25-17, 25-23 panalo laban sa Petron, at TMS-Army sa alas-2.

Sasagupain ng Petron ang PLDT-MyDSL, binigo ang PCSO-Bingo Milyonaryo, 22-25, 25-18, 25-22, 25-20, sa alas-6 ng gabi. Sa Biyernes ay maglalaban ang PLDT-MyDSL at Cagayan Valley sa alas-2 ng hapon kasunod ang laro ng Petron at TMS-Philippine Army sa alas-4 at ang banggaan ng PCSO-Bingo Milyonaryo at Cignal sa alas-6 ng gabi.

 

Show comments