MANILA, Philippines - Dahil balansiyado ang liga, ang matalo ng magkakasunod ay makakasakit sa kampanya ng isang team sa 76th UAAP men’s basketball.
Bunga nito, nananalig si Ateneo coach Bo Perasol na nagising na ang damdamin ng kanyang mga bataan para mas makitaan ng magandang laban at hagipin ang unang panalo matapos mabigo sa unang laro.
Katunggali ng five-peat defending champion Blue Eagles ang FEU sa tampok na laro dakong alas-4 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City hanap na makabangon mula sa 54-64 pagkatalo sa National University.
Unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon ay sa pagitan ng UP at La Salle na parehong natalo sa unang asignatura.
Pero base sa line-up, mas pinapaboran ang tropa ni Archers coach Juno Sauler bagama’t maaa-ring dagdag hamon ito sa Maroons para masilat ang katunggali.
“Balanse ang teams ngayon kaya ang margins ng errors ay dapat maliit lang. Maaga pa ang season pero mas maganda kung makakakuha ka na ng panalo para nakadikit ka sa mga nasa unahan,†wika ni Perasol.
Hindi naman natataranta ang first year coach ng Eagles sa pagkatalo dahil nakita niyang bumangon ang koponan mula sa 24-puntos pagkakalubog sa huling yugto bago isinuko ang 10-puntos na kabiguan.
Dahil dito, umaasa siyang magkakaroon na sila ng magandang start bukod pa sa inaasahang presensya ng mga higanteng sina JP Erram at Frank Golla na hindi nakaporma sa katapat sa Bulldogs bago ibinigay ng Eagles ang 39-52 pagkatalo sa rebounding.
Tiyak naman na ang Tamaraws ay aasa sa liderato ng mga beteranong sina Terence Romeo at RR Garcia na inikutan ang mga dumepensa sa kanila para sa 89-78 panalo sa UE.
May 23 puntos, 12 assists at 9 rebounds si Romeo habang 18 ang ibinigay ni Garcia laban sa Red Warriors.