Juggling Act nanalo matapos magbakasyon

MANILA, Philippines -  Nakabuti sa imported horse na Juggling Act ang mahabang bakasyon nang manumbalik uli ang tikas na taglay ng kabayo matapos angkinin ang  343rd Araw ng Makati Cup 2013 noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Si Jonathan Hernandez pa rin ang dumiskarte sa kabayong pag-aari ni Herminio Esguerra upang magkaroon ng bunga ang halos apat na buwang pamamahinga sa pagtakbo.

Huling karerang sinalihan ng Juggling Act ay ang 2013 Philracom Leopoldo Prieto (I) Stakes race noong Pebrero 9 at pumangalawa ito sa Azkal.

Walang epekto ang ipinataw na pinakamabigat na handicap weight na 56 kilos sa Juggling Act nang nakaharurot ito sa huling 400-metro sa 1,500-metro karera tungo sa malinaw na panalo sa karera.

Naunang umalagwa ang mga kabayong Hyena at Azkal sa pagbubukas ng aparato habang nasa ikatlo naman ang Juggling Act at sinakyan ang ayre ng mga nasa unahan.

Nang paharurutin na ni Hernandez ang kabayo ay tuluyan na nilang nilayuan ang mga katunggali para sa halos tatlong dipang panalo sa coupled entry ng Hyena na Botbo bago tumawid ang Sliotar at Tritanic.

May winning time na 1:34.6 segundo ang Juggling Act na patok sa karera nang kumabig ng P239,159.00 sales sa P629,877.00 bentahan sa Daily Double.

Nagpamahagi ang win ng Juggling Act ng P7.50 sa win habang P28.50 ang ibinigay sa 1-4 forecast.

 

 

Show comments