MANILA, Philippines - Magiging abala ang Pambansang track and field team sa susunod na apat na buwan sa paglahok sa mga malalaking kompetisyon sa labas ng bansa para makita kung sino ang mga karapat-dapat na ipadala ng PATAFA sa Myanmar SEA Games.
Sa Hunyo 29 at 30 magsisimula ang pagsabak sa aksyon ng PATAFA athletes sa gaganaping Hong Kong Inter-City.
Dalawang kompetisyon ang mangyayari sa Hulyo, ang 20th Asian Championships sa Pune, India mula Hulyo 3 hanggang 7 at ang Vietnam Open sa Ho Chi Min mula Hulyo 19 hanggang 21. Sa Setyembre 3 hanggang 6 ay gaganapin naman ang Thailand Open.
Sa ngayon, ang PATAFA ay mayroong 17 atleta na nasa priority list matapos manalo ng medalya sa 2011 SEA Games.
“Tapos na kami sa strength and conditioning prog-ram at ngayon ay nasa competitive mode na ang mga atleta,†wika ni National coach Joseph Sy.
Nakasungkit ng dalawang opisyal na gintong medalya ang PATAFA sa Indonesia SEA Games na naihatid nina steeplechaser Rene Herrera at long jumper Marestella Torres.
Ngunit nadagdagan pa ng isang ginto ang Pilipinas sa larangan ng 4x400-m relay team nang bumagsak sa drug testing ang isang mananakbo mula sa nag-gold na Malaysia para alisin ang nasabing medalya at ibigay sa Pambansang koponan.
May siyam na pilak pa ang Nationals at pinaniniwalaan ni Sy na maaaring maging ginto ito sa Myanmar.
Ang PSC ay sumusuporta sa mga plano ng PATAFA at nakikita ni Sy na matapos ang paglahok sa apat na malalaking torneo na ito ay malalaman nila kung sino ang mga puwedeng ilaban at ang kanilang mga kakayahan na manalo.
Sa naunang tantiya ni Sy, tatlong ginto ang tiyak na sa Pilipinas sa katauhan nina Herrera, Torres at ang relay team. Pero puwedeng umabot ito sa 12 ginto kung kakapitan ng breaks ang mga nanalo ng pilak noong 2011.
Sa apat na torneong ito, sa Asian Championships nakatuon ang PATAFA dahil ang mga kasapi ng prio-rity athletes ang ipadadala rito.
Sa Shree Shiv Charatrapati Sports Complex gagawin ang laro at ang pambato ng bansa para sa medalya ay walang iba kungdi ang two-time Olympian na si Marestella Torres.
“Si Marestella pa rin ang may magandang chance na manalo ng medal dahil nasa Asian level siya sa women’s long jump. Ang ibang ipadadala, will try their best. Pero malabo sila dahil mas malalakas ang mga Asian athletes sa kanilang events,†paliwanag ni Sy.